Ang Paskong ito ay naging tahimik at ligtas mula sa banta ng mga rebeldeng komunista, isang malinaw na patunay ng patuloy na paghina ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon kay Undersecretary Ernesto Torres Jr., executive director ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), “Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, tiwala na ang mga Pilipino na makapagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon nang walang pangambang dulot ng banta ng komunista.”
Sa ulat, 88 sa 89 guerilla fronts sa bansa ang matagumpay nang nabuwag sa pamamagitan ng pinagsamang operasyon ng militar at mga programang sibiko ng pamahalaan.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Torres na hindi pa tapos ang laban sa panlilinlang, pagsasamantala, at karahasan ng mga rebeldeng komunista.
“Walang perpektong sistema, at ang progreso ng ating bansa ay nangangailangan ng patuloy na pagbabantay at pagbabago. Gayunpaman, ang tagumpay ng ‘whole-of-nation approach’ ay nagpapakita na ang pagkakaisa, hindi pagkakawatak-watak, ang susi sa pangmatagalang kapayapaan,” ani Torres.
Dagdag pa niya, kailangang magkaisa ang mga lider ng bansa, ahensya ng gobyerno, at lokal na pamahalaan upang mapagtuunan ang paghahatid ng mga mahahalagang serbisyo sa mga lugar na naapektuhan ng kaguluhan. Ito ay bahagi ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development.
“Sa pagkakaisa ng ating mga hakbang at sa patuloy na dedikasyon sa iisang layunin, maaari nating itaguyod ang mas matatag na Bagong Pilipinas kung saan namamayani ang kapayapaan, pagkakaisa, at kaunlaran,” dagdag pa niya.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

