Ang nangungunang online travel platform na Klook ay opisyal nang nag-aalok ng mga curated tour packages na bahagi ng Philippine Experience Program (PEP) ng Department of Tourism (DOT). Tampok sa programang ito ang limang destinasyon sa Pilipinas na mayaman sa kultura, kasaysayan, at sining.
Pormal na inilunsad ang inisyatibong ito noong Enero 15, sa pamamagitan ng memorandum of agreement na pinirmahan ng Klook at DOT. Kabilang sa mga destinasyon ang mga tour sa Palawan, Calabarzon, Bicol, Ilocos, at Western Visayas, na may partikular na pokus sa Bacolod City.
“Lubos ang aming pasasalamat sa Klook sa pakikipag-partner sa Department of Tourism upang suportahan ang Love the Philippines campaign. Ipinakita natin sa buong mundo ang napakaraming dahilan para mahalin ang ating bansa,” pahayag ni Tourism Secretary Christina Frasco.
Sinabi pa niya na ang programang ito ay nakaayon sa National Tourism Development Plan, na nagbibigay-priyoridad sa digital innovation, sustainability, at inclusivity bilang mga haligi ng pag-unlad ng turismo. “Sa pag-usad natin, patuloy nating pagtibayin ang kapangyarihan ng kolaborasyon at inobasyon,” dagdag niya.
Para sa mga interesadong biyahero, maaari nang hanapin sa search bar ng Klook ang “Klook Exclusive: Culture, Heritage & Arts Tour.” Ang presyo ng mga package ay nagkakaiba depende sa napiling alok. Halimbawa, sa Calabarzon package, kasama na ang tatlong gabi at apat na araw na tirahan, pagkain, at transportasyon sa halagang PHP33,888 bawat isa kung pang-apatan, o PHP24,888 bawat isa kung pang-waluhan.
“Excited kami sa partnership na ito kasama ang DOT, lalo na sa pagtiyak na walang maiiwang lokal na operator. Layunin naming maapektuhan ng digital transformation ang buong industriya,” ani Klook President at Co-Founder Eric Gnock Fah.
Dagdag pa niya, sa tulong ng gobyerno, sisiguraduhin nilang bawat bahagi ng industriya ng turismo sa Pilipinas ay kasama at maikokonekta sa global travelers.
Bukod sa mga PEP curated tours, plano rin ng partnership na isama ang Tourist Rest Areas (TRAs) ng DOT sa Klook, at magsagawa ng exploratory partnerships sa Mactan-Cebu International Airport at Clark International Airport.
Sa kasalukuyan, may mahigit kalahating milyong travel offers o “experiences” ang Klook na tumutugon sa higit 2,700 destinasyon sa buong bansa.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

