Inaasahang mananatiling maaraw ang panahon sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA, ngunit nagbabala rin ito sa matinding init sa limang lugar kung saan maaaring umabot ang heat index sa mapanganib na antas na 43°C.
Sa 5:00 a.m. weather bulletin ngayong Huwebes, sinabi ni weather forecaster Chenel Dominguez na mararamdaman ang 43°C heat index sa mga sumusunod na lugar:
-
Sangley Point, Cavite
-
Puerto Princesa City, Palawan
-
Virac, Catanduanes
-
Dumangas, Iloilo
-
La Granja, La Carlota, Negros Occidental
Ang heat index ay tumutukoy sa aktwal na nararamdamang init sa katawan ng tao kapag pinagsama ang temperatura sa antas ng halumigmig. Kapag umabot ito sa 42°C hanggang 51°C, pasok na ito sa danger level, kung saan posible ang heat cramps, heat exhaustion, at sa matinding kaso, heatstroke.
Metro Manila, Apektado Rin ng Matinding Init
Sa Metro Manila, tinatayang aabot sa 40°C ang heat index, partikular sa:
-
Ninoy Aquino International Airport, Pasay City
-
PAGASA Science Garden, Quezon City
Bagama’t walang namataang low pressure area sa loob o labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), may dalawang umiiral na sistema ng panahon na magdudulot ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ulan sa Hilaga at Timog, Maaring Magdulot ng Baha
Ang frontal system na nakaapekto sa Extreme Northern Luzon ay magdadala ng pag-ulan sa:
-
Batanes
-
Cagayan
-
Apayao
Samantala, ang easterlies ay magdudulot ng kalat-kalat na ulan at pagkulog-pagkidlat sa:
-
Zamboanga Peninsula
-
Basilan
-
Sulu
-
Tawi-Tawi
Nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ng flash floods at landslides ang malalakas na buhos ng ulan sa mga nabanggit na lugar.
Paalala ng PAGASA: Maghanda sa Biglaang Pag-ulan
Ayon kay Dominguez, bukod sa matinding init sa tanghali at hapon, posibleng makaranas din ang ilang lugar ng panandaliang pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms, lalo na sa hapon o gabi.
Sa Northern Luzon, asahan ang katamtamang hangin at alon, habang sa iba pang bahagi ng bansa ay magiging mahina hanggang katamtaman ang hangin at banayad hanggang katamtaman ang karagatan, dagdag ng PAGASA.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

