20 Pilipinong Marino, Ligtas Matapos ang Pagkakalubog ng Barko sa India — DMW Kumikilos na Para sa Kanilang Agarang Pag-uwi
Maynila — Kumpirmado ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas ang dalawampung (20) Pilipinong seafarers na sakay ng lumubog na barkong M/V MSC Elsa 3 sa baybayin ng southwestern India noong nakaraang weekend.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa inilabas na pahayag nitong Miyerkules ng gabi, nananatili sa isang hotel sa lungsod ng Kochi, India ang mga Pinoy crew habang inaasikaso ang kanilang agarang repatriation o pagbabalik sa Pilipinas.
“Ligtas ang lahat ng ating 20 seafarers at patuloy ang kanilang komunikasyon sa kani-kanilang pamilya para sa emosyonal na suporta habang hinihintay ang kanilang pag-uwi,” ani Cacdac.
Katuwang ng DMW sa repatriation process ang Philippine Embassy sa New Delhi, ang lokal na manning agency, at ang principal ng barko sa India. Agad ding inaayos ang pansamantalang travel documents ng mga tripulante matapos na maiwan sa lumubog na barko ang kanilang mga pasaporte at seafarer ID cards.
Nakikipag-ugnayan din ang DMW sa Office of Migration Affairs ng Department of Foreign Affairs upang mapabilis ang pagproseso ng dokumento.
Inatasan na rin ng DMW ang manning agency na tiyakin ang pagbibigay ng pangunahing pangangailangan ng mga marino, kabilang ang pagkain, tirahan, at iba pang kinakailangang suporta habang wala pa silang personal na gamit.
Bukod pa rito, siniguro rin ni Cacdac na binibigyan ng legal assistance at interpreter ang mga marino na kasalukuyang iniimbestigahan ng mga otoridad sa India kaugnay ng insidente.
Ang M/V MSC Elsa 3, isang cargo ship na may bandilang Liberian, ay lumubog malapit sa baybayin ng Kochi, sa estado ng Kerala sa India noong Mayo 24. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga lokal na otoridad ang dahilan ng pagkakalubog ng barko.
Tiniyak ng DMW na mahigpit nilang binabantayan ang kalagayan ng mga marino at patuloy na magbibigay ng buong suporta hanggang sa makauwi ang mga ito sa kanilang mga pamilya.
“Isa sa mga direktiba ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay ang tiyaking ligtas at maayos ang kalagayan ng ating mga seafarers, lalo na sa mga oras ng sakuna,” dagdag pa ni Cacdac.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
🔴 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

